yung dating dinadaanan
Nagddrive ako kahapon sa isang makitid na kalsada— idagdag mo pa ang pagiging madilim nito at kawalan ng tao sa paligid. Dinig na dinig ko ang bawat batong sinasagasaan ng gulong ko at ang pagtama ng hangin sa windshield ko. Natatakot akong tumingin sa likod dahil nga medyo may pagkadilim ang paligid at ako lang ang dumadaan dito.
Nalimutan ko na kung saan ba ko kakaliwa o kakanan dahil matagal na rin nung huli akong dumaan dito at andami nang pinagbago; andami nang mga road signs na dati’y wala naman dun. Nalimutan ko na rin yung mga landmarks ko tulad nung pundidong ilaw na may puting scarf na nakapulupot na tila ginawang dagdag na tali para bumaba ito, yung puno ng niyog na iisa na lang ang sanga at ayaw daw ipaputol dahil may nakatirang dwende daw dun, yung isang lote na may mga barbed wire na nakapalibot para di matayuan ng bukuhan at syempre ang pinakahuli kong landmark para malaman ko kung kakanan na ba ko: yung dati naming bahay kung saan nabuo at naghiwa-hiwalay ang pamilya namin.
Pero alam mo yung pakiramdam na maski marami na namang nagbago sa daan na yun, alam mo pa rin yung lilikuan mo dahil tila may pakiramdam na bumabalik sa tuwing dumadaan ka dun? Yung pakiramdam na nakasanayan mo dati bilang araw-araw mo siyang dinadaanan? Yun yung naramdaman ko— kaya kumabig ako agad pakanan. Maski may pag-aalinlangan pa rin ng konti, itinuloy ko pa rin.
-
eralviz posted this