other things

4:00

4:00 ng umaga.

Mag-isa ako sa labas ng bahay. Kakauwi ko lang galing sa trabaho. Pagod na pagod dahil buong araw akong subsob sa ginagawa naming pelikula na pinapangarap naming lahat ilaban sa Cannes. 

Naiwan ko ang susi ng bahay sa loob. Wala nang magbubukas ng pinto mula sa loob tulad ng dati na isang text ko lang kay dad.

Kinuha ko ang lockpick na nakatago sa ilalim ng doormat ko sa bahay para sungkitin ang lock ng pintuan. Nabuksan ko naman at pumasok ako sa loob ng bahay. Sa sobrang pagod ko, nahiga muna ko sa sofa at nagmuni-muni.

Ilang taon na rin pala ang lumipas simula ng mag-isa na lang akong nakatira dito. Wala na yung maiingay kong mga pamangkin na nagaaway at naghahabulan sa loob ng bahay. Wala na yung aso kong sumasalubong sakin kapag narinig na niyang sinusungkit ko ang lock ng pintuan. Wala na rin si dad na nangungulit sakin sa text at tawag para tanungin kung nasan na ko, anong oras ako uuwi at kung sa bahay ba ko kakain.

Nakakabinging katahimikan.

Binuksan ko ang TV at inilipat sa dati kong istastyong pinagtatrabahuan. Malaki na rin ang pinagbago nito; natalo na nito ngayon ang dalawa sa pinakamalaking TV station sa bansa. Napaisip ako kung babalik ba ko sa industriya ng telebisyon. Nagflashback sakin lahat ng mga bagay na natutunan ko simula nung una kong sabak sa telebisyon pagkatapos kong gumraduate. Napangisi na lang ako sa mga bagay na palpak kong nagagawa at sa kung pano ko na lang sila ganun kadaling gawin ngayon. Masasabi ko nga talagang ang laki na rin ng improvement ko sa craft ko. 

Binuksan ko ang ref at nagbakasakaling maibsan ang gutom na nararamdaman ko. Pagkabukas ko ay tumambad sakin ang isang malaking cake na may nakalagay na note: “Happy Birthday, Dear! Was waiting for you to come home. See you soon. I love you.”

Dumaan pala siya dito sa bahay kanina. Last week pa yata nung huli kaming nagkita. Sobra na yata kong busy sa trabaho at hindi ko na siya nabibigyan ng oras. Pero laking pasasalamat ko pa rin na kahit ganun, andiyan pa rin siya para pangitiin ako at sabihing mahal niya ko.

Bukas, gigising ako at panibagong araw na naman ang haharapin ko. May mga bagay man akong naiwan na kahapon pero sila ang nagturo sakin para maging ako ang kung ano man ako ngayon. Hindi ako nanghihinayang sa ginawa ko kahapon dahil masaya ako ngayon.

- - -

  1. eralviz posted this